Thursday, July 18, 2013

TAG ULAN SA ATING BAYAN Ika dalawamput isang yugto.

 ISANG ARAW SA NAYON IKA DALAWAMPUT ISANG YUGTO: ANG TAG ULAN SA ATING BAYAN NOONG UNA. Mga gawi ng ating mga ka nayon tuwing panahon ng panag-ulan noong una, ang bawat magsasaka ay umaasam ng pagdag-im sa gawing kanluran ng langit, sa paghuni ng ibong salaksak sa tapat ng lagaslasan, o sa paghuni ng kulig-lig sa katanghalian mga pangitain na magbabadya ng pagpatak ng ulan. Tuyo na ang mga sapa at mga san-og sa bukid, bitak bitak na ang lupa sa tubigan, naghampalang ang mga kayakas at nakakapangati ang bulo ng nipay sa alingahit na simoy ng amihan. Malaki na rin ang ini-untos ng baba ng niyog dahil sa nagiging pu-aw at nalalayos na buko dagdag pa ang hina ng tigis ng karitan. Samantala bahagyang malamlam ang ustingan sa mga Baraka sa nayon kapag ganito ang iras ng panahon. Matumal pati ang benta ng mga maglalako. At habang pumapasok ang buwan ng Mayo , ramdam na ang kasiglahan sa nayon papalapit na ang panag-ulan . Sa di kawasay unti-unti nagdilim ang ulap at kasunod nitoy hiyawan ng mga kanayon “Agua de Mayo” at tuluyan ng bumuhos ang lumulurok na  ulan, uusok-usok ang tigang na lupa, nagputik na ang bitak sa tubigan, mababanaag mo na ang ngiti sa mga taga nayon, mga ilang araw pa papauran na ang mga kalabaw at isingkaw ang araro handa na bungkalin ang taniman na sahod ulan. Abala na rin ang iba sa pag-yayagtas sa mga punuan ng lanzones usbong na ang talbos kasabay ng puro at ilang araw pa e tatasahan na ng mga mamamakyaw na sasali sa subasta. Kinukumpuni na rin ang mga kalibkiban at sulong na nga ang niyog. Kapansin pansin na sa ating bayan tuwing umaga ang karamihan ay pasaka, may pa-tubigan may paniyugan at ang ibay para mamuti ng mga napapanahon na prutas karaniwan na ang abokado, liputi, kalumpit na masarap kulungohin at iba pa. Di alintana kung abutin man ng ulan sa bukid dahil may mga baon na salakot at may dahon ng anahaw at dahon ng saging na pwedeng pandong sa tikatik na patak ng ulan.  Sa pagsapit naman ng dapit hapon kanyakanya ng hagunutan papauwi ng bayan ang iba namay may bahay na sa nayon, ibaiba ang bit bit at balagwit na iuuwi sa pamilya may labong ng kawayan, may kabuti, may kuhol at isda na huli sa dating tuyong sapa ang mga ito ay nagsulputan lamang pagpasok ng panagulan. At habang daan ay mapapansin mo ang mga kabataan na nagsisipag-pansaw sa danaw.  Ilan lang yan sa mga karaniwan na tanawin sa ating Bayan ng Nagcarlan noon. (Mga kwento ni Bankero)