Thursday, September 20, 2012

DISIPLINA AT MARTIAL LAW


Disiplina at Martial Law, nasa Nagcarlan ka pa ba ng panahon 1970’s, oo gaya ng ibang mga Pinoy ang mga kabataan noong mga panahon  na yon sa Nagcarlan ay karamihan ay disiplinado sa kanilang panahon at kabataan Masaya na makapanood ng popeye o sesame street sa kapitbahay na may tv, na kadalasan ay pinuputol ang palabas upang matunghayan ang mensahe ng pangulong Marcos na ang palagay ng mga bata ay syang may hawak ng batas (ang kinatatakutan na batas military). Noon tayo na kabataan ay alam ang may kapangyarihan, marunong tayong  tumahimik kung may nakatatanda na may gustung sabihin.
Kahit ako at ang aking mga kapamilya ay hindi gusto ang martial law ni Marcos iginagalang namin ang kanyang kapangyarihan bilang pinuno ng bansa. Ang aking tiyo na Kapitan del Baryo ay binawalan kami na magsalita ng laban sa diktador kung hindi namin gusto na humantong sa kulungan na gaya ng iba, dahil nga ang pakiramdam ng lahat ay laganap ang espiya ng regimen. Batid ng aking tiyo kung gaano ang kapangyarihan ng dictador at naiintindihan ko yoon.
Sa ngayon nakikita ko kung gaano katitigas ng ulo ng mga kabataan nakikita mo ang kabiguan sa mga magulang sa pagdisiplina. Sa ngayon hindi na takot ang mga kabataan sa awtoridad alam na nila ang salitang KALAYAAN na napakadelikado kung hindi magamit sa wasto. Paluin mo ang isang bata ngayon ay hahantong ka sa Bantay bata. Lumalaki sila na walang disiplina at gayun din ang kanilang nagiging anak dahil nga na di gaya natin na natuto ng disiplina noong ating kabataan. Masasabi ko na kahit kalaban ako ng Martial Law ay may natutunan naman ako dito, ang pagiging disiplinado.
Balikan natin ang Dekada Sitenta, dalawa lang sa kapitbahay namin ang may black and White TV di pa uso ang may kulay, kailangan mo pa na bumili sa kanilang tindahan para makapanood ka sa loob ng malapitan ang siste di na naiuwe ang suka na pinabile at tatapusin pa ang laban ni popeye at brutus, at kung gabi naman ay wild wild west, Starsky and Hucth at six million dollar man ang aabangan, hawakan mo na ang tsinelas mo habang nakikipanood dahil uso ang taguan ng tsinelas kaya madalas makikita mo na lang ang tsinelas mo sa kalye at hinagis ng mga batang salbahe.
Naalala ko pa katulong ako sa paghuhukay sa bukid ng pagtataguan ng mga baril dahil ang balita ay may ditektor  para malaman ng mga sundalo kung may nakatagong baril sa bahay.  Marami sa mga magsasaka ang  iniwasan na muna ang pagpunta sa nayon at takot na mapagkaman na maka kaliwa o kalaban ng batas militar tanda ko pa iwasan daw namin na makasalubong sa bukid si sargento G…. at pihadong kulata ng armalite ang pagbati sayo.
Bagaman at palaging may tensyon sa paligid na animo palaging may huhulihin na lumabag sa batas ay Masaya pa rin ang aming pagbibinata, nakakapag party pa rin ng magdamagan na sayawan kailangan lang ang mga kumbidado ay pwedeng stay in na alas kwatro na ang uwi pag lipas ng curfew hour kailangan patay ang ilaw at mahina ang tugtug para di madinig sa labas ng bahay.
Sa curfew hour walang pwedeng tumambay sa kalye, walang dumadaang sasakyan kundi pólice patrol na nagpapatrolya, tahimik ka lang sa pagsilip silip sa bintana, ang mga kanayunan ay mistulang ulilang libingan, ipinagbabawal pati asong gala.
Bagaman at may takot sa regimeng batas militar ang mga Nagcarlangen madami pa rin sa mga kabataan ang mga naging aktibong aktibista para makibaka at isa dito ang nabantog at naging isa sa pinaka mataas na líder na kalaban ng Regimen..
Sa ngayon naiisip ko mapalad pa rin ako na lumaki at nagbinata sa panahon ng Martial Law natutunan ko ang desiplina, paggalang sa nakatatanda at awtoridad at natutunan ko din na ipaglaban ang karapatan na maging malaya ang bayan.
Lumipas na ang panahon subalit hindi pa rin madaling malimutan ang mga bakas na madalas ay umuukikil sa ating maga isipan na tayo ay naging biktima sa saliling bayan, nandoon pa rin ang damdamin na nagpupuyos sa galit at takot sa nagdaang Regimen lalo na kapag nakikita mo ang mga nagdanas ng pahirap dahil lamang sa kataliwas ang kanilang paniniwala at layunin.
(by Bankero)

Monday, September 17, 2012

BALIK BAYAN


Masaya ka sa iyong pagbabalik bayan. Habang tinatahak ko ang himpapawid sarisaring damdamin ang sumasagi sa akin. Masaya dahil muli kong makikita ang aking mga kaanak at mga kaibigan mga taong naging bahagi ng aking buhay ng matagal na panahon. May malungkot din dahil madami na rin ang di ko na makikita dahil sila ay namayapa na habang ako ay nasa malayo.
Paglabas ko ng paliparan kapansinpansin ang dami ng mga tao na sumasalubong sa mga dumarating halata mo sa kanilang mga mukha ang pananabik. Taliwas sa ibang bansa na tanging taxi lamang ang naghihintay sa mga dumarating di gaya sa atin mainit at Masaya ang pagsalubong ng mga kamaganakan at mga kaibigan. Habang daan parang wala namang  malaking pagbabago para lang lumiit ang mga kalsada. Halos 2am na ng makarating kami sa Nagcarlan tahimik na ang paligid maliban sa mangilan ngilan na bukas pa na tindahan at may mga nag-iinuman pa rin sa tabi tabi. Gaya pa rin ng dati madaming asong gala at pusang laog sa lansangan napabulong ako sa aking sarili (nasa bayan ko na ako)totoong masarap ang pakiramdam na magbalik sa lupang sinilangan.
Pagkatapos ng masayang balitaan umaga na pala maingay na ang ugong ng mga trisikel kabikabila may nabusina , naalalako walong taon akong di nakarinig ng ganito. Naglakadlakad ako at tinungo ko ang palengke, napansin ko na nagsikip ang mga pwesto ng tindahan halatang dumami ang tao. Nakakatawa bawat taong masalubong ko e iisa ang tanong KAILAN KA DUMATING?  KAILAN ALIS MO? Mahigit yata sampu  e ganun ang tanong ganun nga siguro pag matagal na di ka nakikita at walang katapusan na pagtango sa bawat  matanawan na kakilala tanda ng pagbati. At habang lumilipas ang mga bilang na araw ng bakasyon  unti unting nababawasan ang saya malalayo ka na naman sa bayan mo.
At ito pa nga pala ang mga nakakatuwa habang kahalubilo mo ang mga barkada may magpiprisinta ng pagdawa ng bubuyog lupa at naywan para iprito o ipaksiw at aalukin ka ng batsoy na cobra o ahas na biniya at sitsaron na sawa para mapulutan, isang barkada ang nagpadala agad ng dalawang aruba na lambanog. Ilan lang yan sa mga masasayang karanasan kapag matagal ka nawalay sa mga kaibigan. Kundangan nga lamang at talagang mayroon tayong mga obligasyon na kailangan na gampanan kaya kailangan na lumayo muna at maghanda sa panibagong pagbabalik bayan.

  By Bankero

Wednesday, September 12, 2012

BANGKATAN


Alam mo ba ang Bangkatan? Ano nga ba ang Bangkatan?  Talakayin natin ito bilang isang bagay, o ang karamihan sa atin ay hindi alam kung ano nga ba ito. Ang Bangkatan ay isang uri ng panghuli ng isda na yari sa nilapat na kawayan na animo ay isang maliit na papag. Ayon sa kwento ng isang matanda sa nayon hindi raw pangkaraniwan na makikita sa ibang lugar ang bangkatan tanging sa isang lugar lang na nasasakupan ng Cabuyew lamang dahil sa kaibahan ng tubig na inaagusan ng lagaslasan. Ayon din sa aking namayapa ng ama ang mga isda na nahuhuli sa bangkatan ang siyang ginagamit na pang ulam kapag may bayanihan sa nayon at at pag-aatag na karaniwan ay pag aayos ng daang nayon at pagtatambak ng bunot sa mga naglalalim na paltakan. Naging popular ang panghuhuli ng isda sa bangkatan dahil sa doon lang halos nakikitga sa lugar na yaon na nasasakupan ng Cabuyew. Hangang ang sitio ay tawagin na Bangkatan lumipas ang panahon at bihira ang gumagawa  at nanghuhuli ng isda sa bangkatan at nalimutan na ang bagay na ito subalit nanatiling Bangkatan ang  naging tawag sa lugar na ito hangang sa kasalukuyan.
Ang Bangkatan bilang isang lugar o sitio ay naging popular dahil sa maganda nitong languyan na malalim at mahaba ang mga layon dito mo rin makikita ang tulay na kawayan na nakabitin na mistulang duyan kapag ika’y tumatawid at sa bukana pa lamang ay makikita mo ang mga puno ng tibig sa tabi ng mga balon ng bunga kasunod nito ang dalawang talaga na igiban ng mga taga nayon, nandoon din ang malaking bagin sa tapat ng layon na lambitinan ng mga manlalangoy. Sa ilalim ng tulay ay makikita mo ang hanay ng mga palirong na silungan ng mga maglalaba. Ang bunga ng mga bignay ang nagsisilbing pahiyas sa baybayin ng ilog . doon din nakatayo ang hermita na pinagdarausan ng santakrusan at pistang nayon at kapansinpansin ang mabulaklak na sampagita sa kapaligiran na nagbibigay halimuyak sa paligid. Halos lahat na yata ng bungang kahoy ay makikita mo dito at mapipitas mo kung kapanahunan. At sa paglipas pa ng panahon ay lalo pang nakilala ang sitio Bangkatan ng gawing sementado ang tulay lalong dumami ang nagdarayo upang magbalsa at magpalamig sa mga kubo sa gitna ng ilog.
Ito ang Bangkatan mula sa pag-gawa ng panghuli ng isda hangang maging pangalan ng isang lugar sa nayon ng Cabuyew at halos hindi na nalaman pa ng karamihan na ang Bangkatan ay may bahagi sa kulturang Nagcarlangin.
 (BY BANKERO)

Tuod


Alam nyo ang Tuod (isang pinutol na puno o halaman na halos wala ng pakinabang). Isang araw sa aking paglilibot naisipan ko na suminsay sa sitio na kung saan ginugol ko ang aking kamusmusan. Sa may pag-lusong nandun pa rin ang matinik na kawayan na may mga pinagputulan pa ng labong napansin ko sira na ang dating sementadong daanan palusong pinamaybayan na ng mga danaw na galing sa kanal kung umuulan, masukal na rin ang daan, pawang mga tuod ng putol na puno ng niyog at bulok na slab at kusot na pinaglagarian waring pinagpuputol na ang mga puno noon pa. Ang natitira na lang ang ang malaking puno ng balite na may katapat pang isang balite sa kabila ng ilog, malakas ang tunog ng agos ng lagaslasan, napamagha ako at wala na pala ang dating tulay na semento na silbing tawiran sa sitio Bangkatan ng mga taga nayon ayon sa aking kasama naanod daw iyon ng Undoy, iginala ko pa ang aking paningin,wala na rin ang malaking bato sa gitna ng ilog na aking pahingahan tuwing dapit hapon. Naalala ko doon ako madalas na mahiga at mangarap inanod na rin pala ng malakas na agos . Tumalon-talon ako sa mga bato na naka ultaw para makatawid sa kabila sa isang malayong agwat ay may isang ga hita na kawayan na búho na tunglan pa at lahitan ang silbing tulay natawiran kahit ito ay malumot na. Sa kabila binaybay ko ang panabi ng tubig, iba na ito kaysa dati ang dating pinong buhangin ay mga layak at pastik na basura ang aking nakita. Bahagya akong napahinto hinanap ko ang mga hanay ng puno ng bignay na dati ay namumula dahil sa hitik ang bunga, iyon pala ay tuod na rin wala na rin ang malaking puno ng santol, katmon , tampoy  at yambo na nakahilera sa baybayin ng tubig tuod na rin ang matayog na kalumala na hapunan ng salaksak tuwing nagaabang ng patlay na lumulutang. Pati na ang banaba ay di rin pinatawad. Lumingon ako pakanluran at natambad sa akin ang malawak na tabag, hindi na nakapagtataka dahil sa mga puno na nawala. Ang lugar na ito ay naging daana na lamang baha twing panahon ng tag-ulan at tuyot naman kung panag-araw. Nakakapanglumo at nakakahinayang akala ko ay may magpapaalala pa ng aking kabataan , ang bakas ng nakaraan ay panay Tuod na lamang.
Sa di kalayuan ay may mga bata na namumulot ng mga tuod at sanga ng puno na inanod ng baha upang gawing uling at ipambili ng prutas, sayang kung alam lang nila, ang mga Tuod na iyon.                  (By BANKERO)