ISANG ARAW SA NAYON IKA DALAWAMPUT ISANG
YUGTO: ANG TAG ULAN SA ATING BAYAN NOONG UNA. Mga gawi ng ating mga ka nayon
tuwing panahon ng panag-ulan noong una, ang bawat magsasaka ay umaasam ng
pagdag-im sa gawing kanluran ng langit, sa paghuni ng ibong salaksak sa tapat
ng lagaslasan, o sa paghuni ng kulig-lig sa katanghalian mga pangitain na
magbabadya ng pagpatak ng ulan. Tuyo na ang mga sapa at mga san-og sa bukid,
bitak bitak na ang lupa sa tubigan, naghampalang ang mga kayakas at
nakakapangati ang bulo ng nipay sa alingahit na simoy ng amihan. Malaki na rin
ang ini-untos ng baba ng niyog dahil sa nagiging pu-aw at nalalayos na buko
dagdag pa ang hina ng tigis ng karitan. Samantala bahagyang malamlam ang
ustingan sa mga Baraka sa nayon kapag ganito ang iras ng panahon. Matumal pati
ang benta ng mga maglalako. At habang pumapasok ang buwan ng Mayo , ramdam na ang kasiglahan sa nayon
papalapit na ang panag-ulan . Sa di kawasay unti-unti nagdilim ang ulap at
kasunod nitoy hiyawan ng mga kanayon “Agua de Mayo” at tuluyan ng bumuhos ang
lumulurok na ulan, uusok-usok ang tigang
na lupa, nagputik na ang bitak sa tubigan, mababanaag mo na ang ngiti sa mga
taga nayon, mga ilang araw pa papauran na ang mga kalabaw at isingkaw ang araro
handa na bungkalin ang taniman na sahod ulan. Abala na rin ang iba sa
pag-yayagtas sa mga punuan ng lanzones usbong na ang talbos kasabay ng puro at
ilang araw pa e tatasahan na ng mga mamamakyaw na sasali sa subasta.
Kinukumpuni na rin ang mga kalibkiban at sulong na nga ang niyog. Kapansin
pansin na sa ating bayan tuwing umaga ang karamihan ay pasaka, may pa-tubigan
may paniyugan at ang ibay para mamuti ng mga napapanahon na prutas karaniwan na
ang abokado, liputi, kalumpit na masarap kulungohin at iba pa. Di alintana kung
abutin man ng ulan sa bukid dahil may mga baon na salakot at may dahon ng
anahaw at dahon ng saging na pwedeng pandong sa tikatik na patak ng ulan. Sa pagsapit naman ng dapit hapon kanyakanya
ng hagunutan papauwi ng bayan ang iba namay may bahay na sa nayon, ibaiba ang
bit bit at balagwit na iuuwi sa pamilya may labong ng kawayan, may kabuti, may
kuhol at isda na huli sa dating tuyong sapa ang mga ito ay nagsulputan lamang
pagpasok ng panagulan. At habang daan ay mapapansin mo ang mga kabataan na
nagsisipag-pansaw sa danaw. Ilan lang
yan sa mga karaniwan na tanawin sa ating Bayan ng Nagcarlan noon. (Mga kwento
ni Bankero)
Mga Kwento ni Bankero
Thursday, July 18, 2013
Thursday, September 20, 2012
DISIPLINA AT MARTIAL LAW
Disiplina at
Martial Law, nasa Nagcarlan ka pa ba ng panahon 1970’s, oo gaya ng ibang mga
Pinoy ang mga kabataan noong mga panahon
na yon sa Nagcarlan ay karamihan ay disiplinado sa kanilang panahon at
kabataan Masaya na makapanood ng popeye o sesame street sa kapitbahay na may
tv, na kadalasan ay pinuputol ang palabas upang matunghayan ang mensahe ng
pangulong Marcos na ang palagay ng mga bata ay syang may hawak ng batas (ang
kinatatakutan na batas military). Noon tayo na kabataan ay alam ang may
kapangyarihan, marunong tayong tumahimik
kung may nakatatanda na may gustung sabihin.
Kahit ako at
ang aking mga kapamilya ay hindi gusto ang martial law ni Marcos iginagalang
namin ang kanyang kapangyarihan bilang pinuno ng bansa. Ang aking tiyo na
Kapitan del Baryo ay binawalan kami na magsalita ng laban sa diktador kung
hindi namin gusto na humantong sa kulungan na gaya ng iba, dahil nga ang
pakiramdam ng lahat ay laganap ang espiya ng regimen. Batid ng aking tiyo kung
gaano ang kapangyarihan ng dictador at naiintindihan ko yoon.
Sa ngayon
nakikita ko kung gaano katitigas ng ulo ng mga kabataan nakikita mo ang
kabiguan sa mga magulang sa pagdisiplina. Sa ngayon hindi na takot ang mga
kabataan sa awtoridad alam na nila ang salitang KALAYAAN na napakadelikado kung
hindi magamit sa wasto. Paluin mo ang isang bata ngayon ay
hahantong ka sa Bantay bata. Lumalaki sila na walang disiplina at gayun din ang
kanilang nagiging anak dahil nga na di gaya natin na natuto ng disiplina noong
ating kabataan. Masasabi ko na kahit kalaban ako ng Martial Law ay may
natutunan naman ako dito, ang pagiging disiplinado.
Balikan natin ang Dekada Sitenta, dalawa lang sa
kapitbahay namin ang may black and White TV di pa uso ang may kulay, kailangan
mo pa na bumili sa kanilang tindahan para makapanood ka sa loob ng malapitan
ang siste di na naiuwe ang suka na pinabile at tatapusin pa ang laban ni popeye
at brutus, at kung gabi naman ay wild wild west, Starsky and Hucth at six
million dollar man ang aabangan, hawakan mo na ang tsinelas mo habang
nakikipanood dahil uso ang taguan ng tsinelas kaya madalas makikita mo na lang
ang tsinelas mo sa kalye at hinagis ng mga batang salbahe.
Naalala ko pa katulong ako sa paghuhukay sa bukid ng
pagtataguan ng mga baril dahil ang balita ay may ditektor para malaman ng mga sundalo kung may
nakatagong baril sa bahay. Marami sa mga
magsasaka ang iniwasan na muna ang
pagpunta sa nayon at takot na mapagkaman na maka kaliwa o kalaban ng batas
militar tanda ko pa iwasan daw namin na makasalubong sa bukid si sargento G….
at pihadong kulata ng armalite ang pagbati sayo.
Bagaman at palaging may tensyon sa paligid na animo
palaging may huhulihin na lumabag sa batas ay Masaya pa rin ang aming
pagbibinata, nakakapag party pa rin ng magdamagan na sayawan kailangan lang ang
mga kumbidado ay pwedeng stay in na alas kwatro na ang uwi pag lipas ng curfew
hour kailangan patay ang ilaw at mahina ang tugtug para di madinig sa labas ng
bahay.
Sa curfew hour walang pwedeng tumambay sa kalye, walang
dumadaang sasakyan kundi pólice patrol na nagpapatrolya, tahimik ka lang sa
pagsilip silip sa bintana, ang mga kanayunan ay mistulang ulilang libingan,
ipinagbabawal pati asong gala.
Bagaman at may takot sa regimeng batas militar ang mga
Nagcarlangen madami pa rin sa mga kabataan ang mga naging aktibong aktibista
para makibaka at isa dito ang nabantog at naging isa sa pinaka mataas na líder
na kalaban ng Regimen..
Sa ngayon naiisip ko mapalad pa rin ako na lumaki at
nagbinata sa panahon ng Martial Law natutunan ko ang desiplina, paggalang sa
nakatatanda at awtoridad at natutunan ko din na ipaglaban ang karapatan na
maging malaya ang bayan.
Lumipas na ang panahon subalit hindi pa rin madaling
malimutan ang mga bakas na madalas ay umuukikil sa ating maga isipan na tayo ay
naging biktima sa saliling bayan, nandoon pa rin ang damdamin na nagpupuyos sa
galit at takot sa nagdaang Regimen lalo na kapag nakikita mo ang mga nagdanas
ng pahirap dahil lamang sa kataliwas ang kanilang paniniwala at layunin.
(by Bankero)
Monday, September 17, 2012
BALIK BAYAN
Masaya ka sa
iyong pagbabalik bayan. Habang tinatahak ko ang himpapawid sarisaring damdamin
ang sumasagi sa akin. Masaya dahil muli kong makikita ang aking mga kaanak at
mga kaibigan mga taong naging bahagi ng aking buhay ng matagal na panahon. May malungkot
din dahil madami na rin ang di ko na makikita dahil sila ay namayapa na habang
ako ay nasa malayo.
Paglabas ko
ng paliparan kapansinpansin ang dami ng mga tao na sumasalubong sa mga
dumarating halata mo sa kanilang mga mukha ang pananabik. Taliwas sa ibang
bansa na tanging taxi lamang ang naghihintay sa mga dumarating di gaya sa atin
mainit at Masaya ang pagsalubong ng mga kamaganakan at mga kaibigan. Habang
daan parang wala namang malaking
pagbabago para lang lumiit ang mga kalsada. Halos 2am na ng makarating kami sa
Nagcarlan tahimik na ang paligid maliban sa mangilan ngilan na bukas pa na
tindahan at may mga nag-iinuman pa rin sa tabi tabi. Gaya pa rin ng dati
madaming asong gala at pusang laog sa lansangan napabulong ako sa aking sarili
(nasa bayan ko na ako)totoong masarap ang pakiramdam na magbalik sa lupang
sinilangan.
Pagkatapos
ng masayang balitaan umaga na pala maingay na ang ugong ng mga trisikel kabikabila
may nabusina , naalalako walong taon akong di nakarinig ng ganito.
Naglakadlakad ako at tinungo ko ang palengke, napansin ko na nagsikip ang mga
pwesto ng tindahan halatang dumami ang tao. Nakakatawa bawat taong masalubong
ko e iisa ang tanong KAILAN KA DUMATING?
KAILAN ALIS MO? Mahigit yata sampu
e ganun ang tanong ganun nga siguro pag matagal na di ka nakikita at
walang katapusan na pagtango sa bawat
matanawan na kakilala tanda ng pagbati. At habang lumilipas ang mga
bilang na araw ng bakasyon unti unting
nababawasan ang saya malalayo ka na naman sa bayan mo.
At ito pa
nga pala ang mga nakakatuwa habang kahalubilo mo ang mga barkada may
magpiprisinta ng pagdawa ng bubuyog lupa at naywan para iprito o ipaksiw at
aalukin ka ng batsoy na cobra o ahas na biniya at sitsaron na sawa para
mapulutan, isang barkada ang nagpadala agad ng dalawang aruba na lambanog. Ilan
lang yan sa mga masasayang karanasan kapag matagal ka nawalay sa mga kaibigan. Kundangan
nga lamang at talagang mayroon tayong mga obligasyon na kailangan na gampanan
kaya kailangan na lumayo muna at maghanda sa panibagong pagbabalik bayan.
Wednesday, September 12, 2012
BANGKATAN
Alam mo ba ang Bangkatan? Ano nga ba ang Bangkatan? Talakayin natin ito bilang isang bagay, o ang karamihan sa
atin ay hindi alam kung ano nga ba ito. Ang Bangkatan ay isang uri ng panghuli
ng isda na yari sa nilapat na kawayan na animo ay isang maliit na papag. Ayon
sa kwento ng isang matanda sa nayon hindi raw pangkaraniwan na makikita sa
ibang lugar ang bangkatan tanging sa isang lugar lang na nasasakupan ng Cabuyew
lamang dahil sa kaibahan ng tubig na inaagusan ng lagaslasan. Ayon din sa aking
namayapa ng ama ang mga isda na nahuhuli sa bangkatan ang siyang ginagamit na
pang ulam kapag may bayanihan sa nayon at at pag-aatag na karaniwan ay pag
aayos ng daang nayon at pagtatambak ng bunot sa mga naglalalim na paltakan.
Naging popular ang panghuhuli ng isda sa bangkatan dahil sa doon lang halos
nakikitga sa lugar na yaon na nasasakupan ng Cabuyew. Hangang ang sitio ay
tawagin na Bangkatan lumipas ang panahon at bihira ang gumagawa at nanghuhuli ng isda sa bangkatan at
nalimutan na ang bagay na ito subalit nanatiling Bangkatan ang naging tawag sa lugar na ito hangang sa
kasalukuyan.
Ang
Bangkatan bilang isang lugar o sitio ay naging popular dahil sa maganda nitong
languyan na malalim at mahaba ang mga layon dito mo rin makikita ang tulay na
kawayan na nakabitin na mistulang duyan kapag ika’y tumatawid at sa bukana pa
lamang ay makikita mo ang mga puno ng tibig sa tabi ng mga balon ng bunga
kasunod nito ang dalawang talaga na igiban ng mga taga nayon, nandoon din ang
malaking bagin sa tapat ng layon na lambitinan ng mga manlalangoy. Sa ilalim ng
tulay ay makikita mo ang hanay ng mga palirong na silungan ng mga maglalaba.
Ang bunga ng mga bignay ang nagsisilbing pahiyas sa baybayin ng ilog . doon din
nakatayo ang hermita na pinagdarausan ng santakrusan at pistang nayon at
kapansinpansin ang mabulaklak na sampagita sa kapaligiran na nagbibigay
halimuyak sa paligid. Halos lahat na yata ng bungang kahoy ay makikita mo dito
at mapipitas mo kung kapanahunan. At sa paglipas pa ng panahon ay lalo pang
nakilala ang sitio Bangkatan ng gawing sementado ang tulay lalong dumami ang
nagdarayo upang magbalsa at magpalamig sa mga kubo sa gitna ng ilog.
Ito ang Bangkatan
mula sa pag-gawa ng panghuli ng isda hangang maging pangalan ng isang lugar sa
nayon ng Cabuyew at halos hindi na nalaman pa ng karamihan na ang Bangkatan ay
may bahagi sa kulturang Nagcarlangin.
(BY BANKERO)
Tuod
Alam nyo ang Tuod (isang pinutol na puno o halaman na
halos wala ng pakinabang). Isang araw sa aking paglilibot naisipan ko na
suminsay sa sitio na kung saan ginugol ko ang aking kamusmusan. Sa may
pag-lusong nandun pa rin ang matinik na kawayan na may mga pinagputulan pa ng
labong napansin ko sira na ang dating sementadong daanan palusong pinamaybayan
na ng mga danaw na galing sa kanal kung umuulan, masukal na rin ang daan,
pawang mga tuod ng putol na puno ng niyog at bulok na slab at kusot na pinaglagarian
waring pinagpuputol na ang mga puno noon pa. Ang natitira na lang ang ang
malaking puno ng balite na may katapat pang isang balite sa kabila ng ilog,
malakas ang tunog ng agos ng lagaslasan, napamagha ako at wala na pala ang
dating tulay na semento na silbing tawiran sa sitio Bangkatan ng mga taga nayon
ayon sa aking kasama naanod daw iyon ng Undoy, iginala ko pa ang aking
paningin,wala na rin ang malaking bato sa gitna ng ilog na aking pahingahan
tuwing dapit hapon. Naalala ko doon ako madalas na mahiga at mangarap inanod na
rin pala ng malakas na agos . Tumalon-talon ako sa mga bato na naka ultaw para
makatawid sa kabila sa isang malayong agwat ay may isang ga hita na kawayan na
búho na tunglan pa at lahitan ang silbing tulay natawiran kahit ito ay malumot
na. Sa kabila binaybay
ko ang panabi ng tubig, iba na ito kaysa dati ang dating pinong buhangin ay mga
layak at pastik na basura ang aking nakita. Bahagya akong napahinto hinanap ko
ang mga hanay ng puno ng bignay na dati ay namumula dahil sa hitik ang bunga,
iyon pala ay tuod na rin wala na rin ang malaking puno ng santol, katmon ,
tampoy at yambo na nakahilera sa
baybayin ng tubig tuod na rin ang matayog na kalumala na hapunan ng salaksak
tuwing nagaabang ng patlay na lumulutang. Pati na ang banaba ay di rin
pinatawad. Lumingon ako pakanluran at natambad sa akin ang malawak na tabag,
hindi na nakapagtataka dahil sa mga puno na nawala. Ang lugar na ito ay naging
daana na lamang baha twing panahon ng tag-ulan at tuyot naman kung panag-araw. Nakakapanglumo
at nakakahinayang akala ko ay may magpapaalala pa ng aking kabataan , ang bakas
ng nakaraan ay panay Tuod na lamang.
Sa di
kalayuan ay may mga bata na namumulot ng mga tuod at sanga ng puno na inanod ng
baha upang gawing uling at ipambili ng prutas, sayang kung alam lang nila, ang
mga Tuod na iyon. (By
BANKERO)
Thursday, September 29, 2011
ISANG ARAW SA NAYON: Ika Dalawampung Yugto;By Bankero
ISANG ARAW SA NAYON: Ika Dalawampung Yugto;By Bankero
Takas sa Paraiso ito ang madalas ko nasasambit. Natatandaan k opa noon ang bahay namin sa nayon, ito ay yari sa kahoy at kawayan, ang bubong ay anahaw at iilang dipa lamang ang layo nito sa ilog. Sa paligid ay nandoon ang ang mga puno ang naparaming prutas na iba-iba na tanim pa ng aking lola na napakasipag sumaka, may abokado, santol, lansones, mangga, anonas, guyabano, bayabas, lipute , tsesa, lukban, dalanghita, atis, duhat, balimbing, granada, langka, yambo, tampoy, talang, makopa, saging, kaymito at meron pang kamatsile meron din kape at kakaw ito ang mga tanim na naka sal-it sa mga puno ng niyog, kaya naman sa isang buong taon ay may mapipitas kang prutas na napapanahon. May mga alaga kaming kabayo, na gamit sa bukid at may mga palakihing baboy, manok na ligaw at naparaming puting bibe na nagsisilbing liwanag sa tabi ng ilog dahil sa kulay nito. Pagkagising mo sa umaga pamumulot ng itlog ang una mong gagawin. Sa gawing kanluran na tanaw sa bintana ay ang aming halamanan na may tanim na gabi, kamote, kamoteng kahoy at mg a gulay bukod pa sa pako na pwede mong pangunin araw araw sa tabi ng ilog. Sa may batalan ng bahay ay tanaw na ang mga paloob, paktaw at labayan na panghuli ng palos at dalag, nakataan din minsan ang pante kung gabi. Sa likod bahay ay makikita ang mga nilapat na kawayan at mga kinayas na banban at ginihay na nito, gamit ko sa paggawa ng basket at bakiran, ito ang aking pinaka libangan o kung minsan naman ay nagpapalutang ng dalag o naniniksal sa layon o sa lagaslasan. Masasabing isa itong lugar na salat sa karangyaan , subalit para sa akin ito ay isang paraiso, malayo sa ingay, sariwa ang hangin at mababait at magagalang ang mga taga nayon,
At sa paglakad ng panahon, kinailangan kong iwan ang nayon , kagaya ng iba may mga pangarap na marating ang lungsod at makapagpatuloy ng pag-aaral. Masama ang loob ko na iwan ang aming nayon kuntento na sana ako sa buhay dito, ngunit nanaig ang isang pangarap na may malayo pang marating, kung kayat ako ay nakipagsapalaran sa magulong lunsod hangang makatapos sa kolegio. Kagaad ay nagbalik ako sa nayon at naramdaman kong muli ang isang payak , simple at tahimik na pamumuhay. Ngunit sandali lamang iyon at kinailangan ko namang magtrabaho ng naaayon sa aking pinag-aralan, at nag-umpisa ako bilang isang mababang empleyado sa banko, ang gaya nga ng iba gustong marating ang mataas na pangarap, at mula sa ibaba sa pamamagitan ng ng tiyaga at pagsisikap ay narating ko ang itaas. At dumating din yung pagkakataon na makapunta sa ibang bansa na siya ring pinapangarap ng marami, nasambit ko sa sarili ko ano pa kaya, sa paglipas ng panahon malayo-layo na rin ang aking narating, salamat sa Diyos sa pag-gabay niya sa akin, ngunit bakit sa aking pakiramdam ay may malaki pang kulang, hinahanap ko pa rin yun kasimplehan ng buhay, na di gaya dito na palagi kang nakikipag habulan sa oras, halos di kayo nagkikita na magkakapamilya dahil pag- uwi ay tutulog na at yung iba naman ay pumapasok pa at kailangan mong gawin ito para di ka maiwan ng modernong takbo ng buhay. Naisip ko tuloy noong araw wala itong mga kotseng ito, itong mga computer at celphone itong modernong bahay pero mas masarap ang buhay, at nasambit ko sa sarili ang tinakasan kong lugar noon sa nayon ay isang paraiso at nandoon ang hinahanap ko ang simpleng buhay at naipangako ko sa sarili ko pagsisikapan ko na muling makabalik sa nayon at makagawang muli ng isang paraiso, isang payak at simpleng buhay sa nayon para hindi na muling takasan pa.
Saturday, September 24, 2011
ISANG ARAW SA NAYON: Ika-labing-siyam na yugto:By Bankero
ISANG ARAW SA NAYON: Ika-labing-siyam na yugto:By Bankero
Isang araw ng Sabado isinama ako ng aking tiyo sa Talangan kung saan nakatira si Amang na aking lolo dinatnan ko na naghahasa ng kanyang jungle bolo na sabi nya ay gamit pa noon ng opisyal na sundalong hapon, pagkakita sa amin ay kami ay inutusan na umigib ng tubig sa talaga doon sa may Inlulupes, kaya dala na namin ang bumbong , ang tukil at ang Kalo na pang salok sa balon, malayo-layo rin ang igiban halos kalahating kilometro mula sa bahay, nangangalahati na kami ng lakad ng may maamoy kami na masangsang na dala ng hangin, ang sabi ng tiyo ko atangya may tikbalang, masanting ang init ng araw, alingahit ang pakiramdam, itinuloy lang namin ang aming paglalakad ng aming mapansin na bumabalik lang kami sa iisang lugar at napansin din namin na dun sa lugar na dapat naming daanan ay may puno na nakaharang isang puno ng balite, kabado na ako alam ko inililigaw kami ng tikbalang, matagal din kami na patuloy na hinanap ang daan hangang sa kami ay mapagod at umupo na lamang sa tabi ng puno, di kawasay dumating si Amang na paika-ika na kung lumakad bitbit ang kanyang itak at may kung anong nakaputos sa laying, saglit na minalas ang paligid at may kung anong sinambit, pagkabunot ng kanyang itak ay pumutol ng isang maliit na sanga at isinabog ang asin na nakaputos sa laying sa puno ng balite. Pagkatapos ay nagpahatid na sya pabalik sa bahay at pinabalik kami sa pag-igib, maaliwalas na ang daan wala na ang amoy atangya, wala na rin ang balite sa daan, tanging ang kaputol na sanga ang aming nakita, naisip ko tuloy pano kaya naalis yun puno ng balite sa daan ah mahirap paniwalaan kaya pagdating sa talaga ay uminom na lang ako ng maraming tubig at naligo sa Inlulupes at kami ay umuwi na sa bahay habang nginunguya ko pa ang bunga ng tagbak na aking nakuha.sa bahay isinalin ko ang dala kong tubig sa galong ang kay tiyo naman ay diretso sa tapayan, kinapa ni Amang ang aking leeg may hinahanap, at ako ay tinanong nasaan ang iyong kalmen, ay naiwan kopo sa bahay, at sabi nya ay sa susunod palagi mo daladalahin lalo na kung nagsusuot ka sa gubat at hinilingan ko pa sya ang iba pang mga kwento.
At tungkol naman sa bisa ng mga pangil ng hayop ang aming naging paksa ang una ay ang Pangil ng Duyong o Baboy Dagat, sino man daw ang may bukol saan mang bahagi ng katawan ay asahang hindi magtutuloy kung ito ay guguhitan sa palibot ng bukol gamit ang pangil ng duyong. Ito rin daw ay mabisang sandata sa masasamang hangin at masasamang espirito. Ang sumunod ay ang Pangil ng Ahas ang bisa raw nito kung ito ay nasasa bibig ng isang tao ay tiyak na katatakutan ng mga mababangis na hayop. At ang Pangil naman daw ng Pusang Itim ay mabisa kung ibabaon ang pangil sa gitna ng patukuran ng bahay asahan mo raw na ang bahay ay hindi papasukin ng mga daga at ito rin daw ay lubhang mabisa kung ibabaon sa gitna ng taniman ng palay. At ang Pangil naman ng Asong Itim kung ito ay ibabaon sa gitna ng linang ay asahang hindi papasukin ng mga hayop na naninira ng nga tanim. Ang Pangil naman daw ng Pagong ay mabisang ibabad sa tubig at ipainom sa taong may sakit na hapo o kung ibababad sa bibig ng may sakit ay madaling gagaling ang karamdaman. Ang kasunod ay Pangil ng Hunyango ang bisa nito kung nasa bibig ng isang tao ay hindi masasawi sa kagat ng makamandag na ahas. Ang pangil naman daw ng Bayawak kung ibabaon sa gitna ng isang linang ay asahang hindi uubusin ang mga palay ng maliliit na ibon. At ang huli ay ang Pangil ng Matsing na Lalaki, ito raw ay mabisa na ibaon sa isang bakuran dahil hindi raw matutuyot ang mga halaman.
Moderno na ang panahon ngayon maaring wala nang naniniwala o gumagawa pa ng nga ganitong bagay ang alam ko lamang ay madalas itong maging paksa ng mga kwentuhan sa nayon o pag nagbabarekan ang mga taga bukid, gaya rin siguro ng hangang sa ngayun ang lubid na ginamit sa pagbibigti sa sarili ay pinag aagawan na makuha yun iba ay naghahatihati pa magkaroon lamang dahil ito ay pinaniniwalaang mabisa sa pagnenegosyo di ko lang alam kung ganito rin ang paniwala sa mga karatig bayan. Hangang sa muli po….
Subscribe to:
Posts (Atom)