Wednesday, September 12, 2012

BANGKATAN


Alam mo ba ang Bangkatan? Ano nga ba ang Bangkatan?  Talakayin natin ito bilang isang bagay, o ang karamihan sa atin ay hindi alam kung ano nga ba ito. Ang Bangkatan ay isang uri ng panghuli ng isda na yari sa nilapat na kawayan na animo ay isang maliit na papag. Ayon sa kwento ng isang matanda sa nayon hindi raw pangkaraniwan na makikita sa ibang lugar ang bangkatan tanging sa isang lugar lang na nasasakupan ng Cabuyew lamang dahil sa kaibahan ng tubig na inaagusan ng lagaslasan. Ayon din sa aking namayapa ng ama ang mga isda na nahuhuli sa bangkatan ang siyang ginagamit na pang ulam kapag may bayanihan sa nayon at at pag-aatag na karaniwan ay pag aayos ng daang nayon at pagtatambak ng bunot sa mga naglalalim na paltakan. Naging popular ang panghuhuli ng isda sa bangkatan dahil sa doon lang halos nakikitga sa lugar na yaon na nasasakupan ng Cabuyew. Hangang ang sitio ay tawagin na Bangkatan lumipas ang panahon at bihira ang gumagawa  at nanghuhuli ng isda sa bangkatan at nalimutan na ang bagay na ito subalit nanatiling Bangkatan ang  naging tawag sa lugar na ito hangang sa kasalukuyan.
Ang Bangkatan bilang isang lugar o sitio ay naging popular dahil sa maganda nitong languyan na malalim at mahaba ang mga layon dito mo rin makikita ang tulay na kawayan na nakabitin na mistulang duyan kapag ika’y tumatawid at sa bukana pa lamang ay makikita mo ang mga puno ng tibig sa tabi ng mga balon ng bunga kasunod nito ang dalawang talaga na igiban ng mga taga nayon, nandoon din ang malaking bagin sa tapat ng layon na lambitinan ng mga manlalangoy. Sa ilalim ng tulay ay makikita mo ang hanay ng mga palirong na silungan ng mga maglalaba. Ang bunga ng mga bignay ang nagsisilbing pahiyas sa baybayin ng ilog . doon din nakatayo ang hermita na pinagdarausan ng santakrusan at pistang nayon at kapansinpansin ang mabulaklak na sampagita sa kapaligiran na nagbibigay halimuyak sa paligid. Halos lahat na yata ng bungang kahoy ay makikita mo dito at mapipitas mo kung kapanahunan. At sa paglipas pa ng panahon ay lalo pang nakilala ang sitio Bangkatan ng gawing sementado ang tulay lalong dumami ang nagdarayo upang magbalsa at magpalamig sa mga kubo sa gitna ng ilog.
Ito ang Bangkatan mula sa pag-gawa ng panghuli ng isda hangang maging pangalan ng isang lugar sa nayon ng Cabuyew at halos hindi na nalaman pa ng karamihan na ang Bangkatan ay may bahagi sa kulturang Nagcarlangin.
 (BY BANKERO)

No comments:

Post a Comment