Thursday, September 29, 2011

ISANG ARAW SA NAYON: Ika Dalawampung Yugto;By Bankero

ISANG ARAW SA NAYON: Ika Dalawampung Yugto;By Bankero
Takas sa Paraiso ito ang madalas ko nasasambit. Natatandaan k opa noon ang bahay namin sa nayon, ito ay yari sa kahoy at kawayan, ang bubong ay anahaw at iilang dipa lamang ang layo nito sa ilog. Sa paligid ay nandoon ang ang mga puno ang naparaming prutas na iba-iba na tanim pa ng aking lola na napakasipag sumaka, may abokado, santol, lansones, mangga, anonas, guyabano, bayabas, lipute , tsesa, lukban, dalanghita, atis, duhat, balimbing, granada, langka, yambo, tampoy, talang, makopa, saging, kaymito at meron pang kamatsile meron din kape at kakaw ito ang mga tanim na naka sal-it sa mga puno ng niyog, kaya naman sa isang buong taon ay may mapipitas kang prutas na napapanahon. May mga alaga kaming kabayo, na gamit sa bukid at may mga palakihing baboy, manok na ligaw at naparaming puting bibe na nagsisilbing liwanag sa tabi ng ilog dahil sa kulay nito. Pagkagising mo sa umaga pamumulot ng itlog ang una mong gagawin. Sa gawing kanluran na tanaw sa bintana ay ang aming halamanan na may tanim na gabi, kamote, kamoteng kahoy at mg a gulay bukod pa sa pako na pwede mong pangunin araw araw sa tabi ng ilog. Sa may batalan ng bahay ay tanaw na ang mga paloob,  paktaw at labayan na panghuli ng palos at dalag, nakataan din minsan ang pante kung gabi. Sa likod bahay ay makikita ang mga nilapat na kawayan at mga kinayas na banban at ginihay na nito, gamit ko sa paggawa ng basket at bakiran, ito ang aking pinaka libangan o kung minsan naman ay nagpapalutang ng dalag o naniniksal sa layon o sa lagaslasan. Masasabing isa itong lugar na salat sa karangyaan , subalit para sa akin ito ay isang paraiso, malayo sa ingay, sariwa ang hangin at mababait at magagalang ang mga taga nayon,
At sa paglakad ng panahon, kinailangan kong iwan ang nayon , kagaya ng iba may mga pangarap na marating ang lungsod at makapagpatuloy ng pag-aaral. Masama ang loob ko na iwan ang aming nayon kuntento na sana ako sa buhay dito, ngunit nanaig ang isang pangarap na may malayo pang marating, kung kayat ako ay nakipagsapalaran sa magulong lunsod hangang makatapos sa kolegio. Kagaad ay nagbalik ako sa nayon at naramdaman kong muli ang isang payak , simple at tahimik na pamumuhay. Ngunit sandali lamang iyon at kinailangan ko namang magtrabaho ng naaayon sa aking pinag-aralan, at nag-umpisa ako bilang isang mababang empleyado sa banko, ang gaya nga ng iba gustong marating ang mataas na pangarap, at mula sa ibaba sa pamamagitan ng ng tiyaga at pagsisikap ay narating ko ang itaas. At dumating din yung pagkakataon na makapunta sa ibang bansa na siya ring pinapangarap ng marami, nasambit ko sa sarili ko ano pa kaya, sa paglipas ng panahon malayo-layo na rin ang aking narating, salamat sa Diyos sa pag-gabay niya sa akin, ngunit bakit sa aking pakiramdam ay may malaki pang kulang, hinahanap ko pa rin yun kasimplehan ng buhay, na di gaya dito na palagi kang nakikipag habulan sa oras, halos di kayo nagkikita na magkakapamilya dahil pag- uwi ay tutulog na at yung iba naman ay pumapasok pa at kailangan mong gawin ito para di ka maiwan ng modernong takbo ng buhay. Naisip ko tuloy noong araw wala itong mga kotseng ito, itong mga computer at celphone itong modernong bahay pero mas masarap ang buhay, at nasambit ko sa sarili ang tinakasan kong lugar noon sa nayon ay isang paraiso at nandoon ang hinahanap ko ang simpleng buhay at naipangako ko sa sarili ko pagsisikapan ko na muling makabalik sa nayon at makagawang muli ng isang paraiso, isang payak at simpleng buhay sa nayon para hindi na muling takasan pa.

No comments:

Post a Comment