Saturday, September 24, 2011

ISANG ARAW SA NAYON: Ika-labing-siyam na yugto:By Bankero

ISANG ARAW SA NAYON: Ika-labing-siyam na yugto:By Bankero
Isang araw ng Sabado isinama ako ng aking tiyo sa Talangan kung saan nakatira si Amang na aking lolo dinatnan ko na naghahasa ng kanyang jungle bolo na sabi nya ay gamit pa noon ng opisyal na sundalong hapon, pagkakita sa amin ay kami ay inutusan na umigib ng tubig sa talaga doon sa may Inlulupes, kaya dala na namin ang bumbong , ang tukil at ang Kalo na pang salok sa balon, malayo-layo rin ang igiban halos kalahating kilometro mula sa bahay, nangangalahati na kami ng lakad ng may maamoy kami na masangsang na dala ng hangin, ang sabi ng tiyo ko atangya may tikbalang, masanting ang init ng araw, alingahit ang pakiramdam, itinuloy lang namin ang  aming paglalakad ng aming mapansin na bumabalik lang kami sa iisang lugar at napansin din namin na dun sa lugar na dapat naming daanan ay may puno na nakaharang isang puno ng balite, kabado na ako alam ko inililigaw kami ng tikbalang, matagal din kami  na patuloy na hinanap ang daan hangang sa kami ay mapagod at umupo na lamang sa tabi ng puno, di kawasay dumating si Amang na paika-ika na kung lumakad  bitbit ang kanyang itak at may kung anong nakaputos sa laying, saglit na minalas ang paligid at may kung anong sinambit, pagkabunot ng kanyang itak ay pumutol ng isang maliit na sanga at isinabog ang asin na nakaputos sa laying sa puno ng balite. Pagkatapos ay nagpahatid na sya pabalik sa bahay at pinabalik kami sa pag-igib, maaliwalas na ang daan wala na ang amoy atangya, wala na rin ang balite sa daan, tanging ang kaputol na sanga ang  aming nakita, naisip ko tuloy pano kaya naalis yun puno ng balite sa daan ah mahirap paniwalaan kaya pagdating sa talaga ay uminom na lang ako ng maraming tubig at naligo sa Inlulupes at kami ay umuwi na sa bahay habang nginunguya ko pa ang bunga ng tagbak na aking nakuha.sa bahay isinalin ko ang dala kong tubig sa galong ang kay tiyo naman ay diretso sa tapayan, kinapa ni Amang ang aking leeg may hinahanap, at ako ay tinanong nasaan ang iyong kalmen, ay naiwan kopo  sa bahay, at sabi nya ay sa susunod  palagi mo daladalahin lalo na kung nagsusuot ka sa gubat at hinilingan ko pa sya ang iba pang mga kwento.

At tungkol naman sa bisa ng mga pangil ng hayop ang  aming naging paksa ang una ay ang Pangil ng Duyong o Baboy Dagat, sino man daw ang may bukol saan mang bahagi ng katawan ay asahang hindi magtutuloy kung ito ay guguhitan sa palibot ng bukol gamit ang pangil ng duyong. Ito rin daw ay mabisang sandata sa masasamang hangin at masasamang espirito. Ang sumunod ay ang Pangil ng Ahas ang bisa raw nito kung ito ay nasasa bibig ng isang tao ay tiyak na katatakutan ng mga mababangis na hayop. At ang Pangil naman daw ng Pusang Itim ay mabisa kung ibabaon ang pangil sa gitna ng patukuran ng bahay asahan mo raw na ang bahay ay hindi papasukin ng mga daga at ito rin daw ay lubhang mabisa kung ibabaon sa gitna ng taniman ng palay.  At ang Pangil naman ng Asong Itim kung ito ay ibabaon sa gitna ng linang ay asahang hindi papasukin ng mga hayop na naninira ng nga tanim. Ang Pangil naman daw ng Pagong ay mabisang ibabad sa tubig at ipainom sa taong may sakit na hapo o kung ibababad sa bibig ng may sakit ay madaling gagaling ang karamdaman. Ang kasunod ay Pangil ng Hunyango ang bisa nito kung nasa bibig ng isang tao ay hindi masasawi sa kagat ng makamandag na ahas.  Ang pangil naman daw ng Bayawak kung ibabaon sa gitna ng isang linang ay asahang hindi uubusin ang mga palay ng maliliit na ibon.  At ang huli ay ang Pangil ng Matsing na Lalaki, ito raw ay mabisa na ibaon sa isang bakuran dahil hindi raw matutuyot ang mga halaman.

Moderno na ang panahon ngayon maaring wala nang naniniwala o gumagawa pa ng nga ganitong bagay ang alam ko lamang ay madalas itong maging paksa ng mga kwentuhan sa nayon o pag nagbabarekan ang mga taga bukid, gaya rin siguro ng hangang sa ngayun ang lubid na ginamit sa pagbibigti sa sarili ay pinag aagawan na makuha yun iba ay naghahatihati pa magkaroon lamang dahil ito ay pinaniniwalaang mabisa sa pagnenegosyo di ko lang alam kung ganito rin ang paniwala sa mga karatig bayan. Hangang sa muli po….

No comments:

Post a Comment