Saturday, September 3, 2011

ISANG ARAW SA NAYON : By Bankero

          Katatapos lang MAGPANYOG ang lahat ay NAGHAWIT ng ilang kabuo na dala sa BALAGWITAN mga TUBUAN na lang na MAKAPUNUAN ang natira nahakot na lahat nabaak at naisalang na sa KALIBKIBAN ginatungan ko ng dalawang PAURONG kasama ang isang putol na TUOD, PAGKAKUWAY pumakanluran ako para MAG-ULA ng kabayo. Pagbalik ko ‘aba luto na agad kumuha ako ng kalibkib na alangan NILUKAD ko at ayos na minindal . Ay balik na naman ako kinuha ko na sa sugahan ang aking si Bruna kagyat ay aking BINASTUNAN at INAYUBO ko ANG PANGGABAY bago Isabit ang BAKID at SINAPNAN ng lunang de banda, handa na ako PANANAKATE suot ko na ang aking SAMBALILO na de PALDIYAS at nagbaon pa ako ng isang mura na KALUMBAHIN , ‘teka may NAKAPANGUMPAY na pala sa may INLULUPES sa Labangan na lang ako DADAKO ‘ at habang tinatahak ko ang SIWAYAN ng daang nayon napalihis ako sa isang SANOG aba MATANG BILOT PA ANG TUBIG aba e kulimlim e hinde naman madag-em NAKAYUNGAYUNG kasi ay tatlong puno ayun puno ng PUGAHAN , DAPDAP at aba ey KALUMPIT madaming laglag MALAMANG na SINABO ng MAPULON kagabi , namulot ako ng KAINAMAN lamang may MAKUKULUNGGO , kumuha ako ng BINGABING na pambalot abay NAKASUMPONG naman ako ng kabuting dumagat tinuhog ko ang iba sa NITO at ang ibay PINUTOS ko na lang sa HAGIKHIK. 
          Sakay na ulit ako kay Bruna malakas ang HINGASING alam ko na malapit na kami sa PASO , ALAW kasi eto sa PALTAKAN, may NASIGLAWAN pa ako na HINLULUMBO at HIMAMAKAL sayang at ako namay walang malay sa PAGDAWA. Ay inang ey ULYABID lang pala inaki ko ay APANAS na ang NAKAAYUKAD sa BANGYASAN ng aking BAKIRAN , ng di KAWASAY may naamoy ako na amoy ATANGYA inang tikbalang naku ey nandito na pala ako sa tapat ng MADAWAG na puno ng PAHOHUTAN kaagad ay binaliktad ko ang aking suot kinuha ko ang aking MISKET na MALUTUAN inilagay ko ang aking mga SINSILYO may BAGOL at MAMERA pati na ang aking KALMEN na TRESPIKO na nasa aking DELIROS naka BALISUSO pa sa aking panyolito walang HABAS ko itong KINALANTOG at pagkakwan namay naglaho na ang amoy malapit na ako sa daang TIPAS ang katabi ay DUMINDING, NAKAKASAWAN lumusong matarik ang DAHILIG , PIHO ko isang DUPILAS lang PUTOT areng si Bruna ko , abay tunay kang NANGUNYAPIT ako sa mga ugat ng TIBIG, ay salamat narating ko rin ang LABAK , NABUNGARAN ko ang isang HUMAHAGUNOT na bisiro , abay Labangan na ito bahay ito ng kapatid ang aking ka iskwela na si Nita , itoy may dingding na SASAG at SINALA. 
          Tanaw ko na ang KATUBIGANAN at ang bayabasan na daraanan abay bale hitik sa bunga, nahirati ako na DUMAPLAS sa isang puno, aray ko Dyosme may AMIMIGTAS, nakow may TIKWAS, AT GUYAM AY LIRO-LIRO PA at AMPANAS may pahabol pang ATUNGIL bukod pa sa bahay ng LUKOT at tatayon tayon na NIPAY mabuti at walang ULANDES, KWITIB AT HANTEK BALOG. Naraanan ko ang mga NAGSISIGAMA sa tubigan. Pag lapag ko kay Bruna ay NAG-UTAY-UTAY na akong mangumpay, tinalian ko ng GALTANG ang sakate ang ibay isinako at pamatong tinahi ko na lang ng BANIL ng dahon ng niyog at pa larga na ako umuwi kinalas ko PAGKAKAPUGAL ang renda sa sanga ng TAKIP ASIN. Ayos SUMUNO na ulit ako kay Bruna habang daan malapit na s alibis ng nayon abay may HUMIYAW ‘daan muna ‘t makainom aba ay si pinsan Rey ata , ay di lapag naman ako’t lumapit pagdakay inariya ang poso inakoy nakasahod ang GALONG ay BIRUIN MOY tubig naman pala ay SAPANTAHA koy makakabarek na ,ay di hulong na ulit ay namataan naman ako ni Ma Mino abay may hilig sa paghahalaman abay wikay daan muna utoy ay di binaltak ko ang aking arinda bahagya kong pinitik patabi at lalampas si ma Berting Lakatan hila sa PANGILONG ang kalabaw may hilang PARAGOS , tingin koy TAAD ,at LIMA-LIMA ang karga maroon pang PINILON na ANONAS at TALANG itatanim daw sa may LATIAN, inabutan ako nag isang tali ng paayap na inarawaraw at sitaw na kulay granate ay salamat po ka Mino ang sambit ko at akoy hahayo na sabay sipol at ALINGAHIT kasi ang panahon ,hiya at malayo pa tayo bulong ko sa kabayo abay anyun na nman kaya NAGKIKINULO ang mga BINATILYO sa may sapa alahoy ay NAGPAPAKATE, MINTUIN mo pukoy ipinagsilid ako ng hito sa TIGAD na halos hangang BILIT ng GALAW at ang wikay iyan ang iyong kapartida, abay sadyang KINAKASIHAN ako ng bwenas ay maka pang LINSAN ng dalawang kabuo panggata. Ay daplang na ulit ako sa BALUGBOG ng kabayo nakaekis pa ang binte sa leeg ni Bruna matulin ang IMBAY hindi ako aabutin ng TAKIP SILIM sa daan. 
           Ayan patawid na agad ako sa ibaba ng KIPOT sa LAGASLASAN sa Bankuro , tanaw ko na ang PALOOB na aking kana nakataas pa ang BAHI na PANADLAK tanaw ko rin ang BAWIG ng aking mga PAKTAW ay kwan ay di ko pa nga rin NAPAPANDAW ang LABAYAN ay baka may huley wala nman akong dalang SAPYAW at BARSELONA di kakayanin ng TIKSAL at maliit ang TUNOD. A dun din ako madalas DAWIHIN sa pamimiwas. At dito sa ilalim naman ng mga LAGPOK at BUGOS ay aking kabitan ng SAGAD , NILALAN AT KULOLKULO ang madalas na huli ko . kitam Talangan na tapat na ni Ma Miroy ayan mga kinayas na BAMBAN at TAYWANAK, mga BASKAGAN nalimutan na sa bilaran, abay may nakahapay na saging na INUGAOG hinog na matikman nga isang GAMA abay lasang saba na BININDISYON lang. Patuloy ako tapat na ng daan pa Tipakan anu yun ay may nakapatse sa pinto ng KAMALIG nila Kram anunsyo ng sayawan sa Bayakitos ay tunay kang NAPA MUNEMUNE agad ako, ay HAPITAN piho pag na andun ang mga taga IRLAZ . 
          Ay husay mapapasabak na naman ang aking BALAGBAGAN na tshirt at bellbottom na double knit maige at NAALMIROL na ISTRAHIN na lamang at ayos yon sa PRINSA na ang patongan ay LAYENG. KABAGYA akong NAGULANTANG may bigla na lamang BUMAGTAS sa aking landas dalawang lalaking TALUBATA parehong PISIGAN abay SINUMBI yun una uy BINEGWASAN na man ang huli, NAGBABAG ang MAGKUNYADO ay abay MANTAKIN mo namay sanhi laang sa TIKAS-TIKAS at TIGBE, ay tunay kang aking NAPAGWIKAAN aba naku namay TABI SA KALULUWAY DALAWANG kalabaw ang NAGPAPANUAG abay totoong SANG BAAS ang amos, ay wag kayong magkakawikaan mga amang ay kapwa kayo walang PAKUNDANGAN , ang maige pay maglaro na lang kayo ng TUPO o TUMBANG PRESO at hindi yang kayoy LAGUMBAHAN. Ay nakow nasa likoran ko palay si ma Pidrong Kulaloy’ ay ka Indo kilala nyo ba areng mga are kako’ ang sagot namay ‘ay uo mga anak iyan ng aking DAGAHIN na si ka Angge MAG IILO nung araw asaway si Adyong Bulok na kapatid naman ni ka Juseng Kulane. Pagkawika nooy DAGONOS naman palayo ang dalawang paslit ang isay naka TAYAKAD at isa namay naka TIMBAO. 
          Akoy napaanas ng ganare HAMIT ay UBOD NAMAN NG DANGINGE itong si Temoy ito naming si Pidiong kainamang mang ANDIRA. Ay salamat sa Diyos San Ignacio San Fernando San Roque San Isidro San Raphael sa maluwalhating paglalakbay. Bayan na INAWASAN ko na si Bruna abay ey NAKUPE , PAGAL na kasi ang TIMANO’y kinuha ko na ang SINTANG, HUMAGIMO ako ng isang PITES na mais sa TUPAK at pagdakay aking PINULUTAN , Panay pa ang SIKAD at nasundan kami ng PALANGAT. Ay sa wakas pwede ng mapabarek , IHAHAYANG ko lamang areng mga gulay at baka MALAGIBAS at itong bilin ni na Takyang magtatapal ops dahon ng ALAGAW, TAKIP SUSO, TAGHIWALAY, TUBANG BAKOD at areng SAHENG ay abay parang TUGASYANG na yata eto dito na lang sa tabi ng ABOHAN sa may HIHEP AT SIPET. Sumilip naman ako sa may PONDAHAN ni ma Pulo abay nagbabarekan ang barkada halos takip na ang BARAKA abay may SINUAM na BAKLE, SUSUWI (PATLAY) AT TERENO sabiy nang BAYATE raw si Putok, Usok at namante naman sina Adubo at Balot.

           Dito na lang po muna tayo , ito po ay aking nilikha para maibahagi sa inyo ang aking payak na karanasan sa nayon na bahagi ng Kultura ng Nagcarlan, maari pon a bihira na nating madinig, makita, o madama ang iba dito o hindi lang natin alam na kaya tayo ay taga Nagcarlan ay gawa nito. Hangang sa susunod na araw sa nayon. (Paumanhin po sa mga may ari ng alyas)

No comments:

Post a Comment